-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Simple ngunit naging makabuluhan ang ika-119 komemorasyon ng Balangiga Massacre ngayong araw sa bayan ng Balangiga, Eastern Samar.

Ayon kay Fe Campanero, municipal tourism officer ng Balangiga, dahil sa banta ng COVID-19 pandemic ay ginawang payak at maikli lamang ang selebrasyon ngayong araw kung saan ilan sa mga aktibidad na isinagawa ang Thanksgiving Mass, pagpatunog sa mga kampana, candle lighting, flag raising, wreath laying at maikling programa.

Dahil pa rin sa COVID-19 pandemic ay hindi na muna isinagawa ang nakagawiang reenactment sa Balangiga encounter ngayong taon.

Bukas naman ang Balangiga Eastern Samar sa lahat ng mga taong gustong bumisita ngayong araw mula sa iba’t ibang lugar lalo pa’t ayon kay Campanero ang naturang selebrasyon ay hindi lamang para sa kanila kundi sa buong sambayanang Pilipino.

Aminado naman ito na sa ngayon ay apektado rin ng pandemya ang tourism industry sa Balangiga dahil sa maliit na bilang ng mga bumibisitang turista na kung ikukumpara noong nakaraang mga taon mula ng maibalik ang historic bells ay umabot 100,000 ang tourist arrivals sa kanila.