Hinandog ni AFP chief of staff Gen. Rey Leonardo Guerrero ang paggunita sa ika-82 anibersaryo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ngayong araw sa mga bayani ng Marawi at sa iba pang mga nag-alay ng kanilang buhay sa ngalan ng kapayapaan.
Iniulat ni Guerrero na nasa 263 na mga sundalo ang nasawi sa pakikipaglaban sa mga teroristang Maute sa Marawi City at higit sa 2,000 naman ang nasugatan.
Sa talumpati ng heneral, kaniyang sinabi na tatlong bagay ang tumatak sa kabuuan ng paglilingkod ng mga sundalo sa sambayan: ito ay ang tungkulin, katapatan at paninindigan sa panatang ipagtanggol ang bayan at mamamayan.
“In fulfillment of our duty, your AFP has faced bullets, braved storms and tremors and secured our borders and territorial waters all in the service of our country and people,” wika ni Guerrero.
Ibinida naman ni Guerrero ang mga tulong na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Tiniyak din nito na mas lalo pang magiging masigasig at matapat ang mga sundalo sa kanilang serbisyo.
“We thank our commander-in-chief, President Rodrigo Duterte for gracing this AFP day celebration. Sa lahat ng oras at sa lahat ng bagay, laging nangunguna ang ating mahal na pangulo sa pagbibigay suporta at lakas ng loob sa kasundaluhan,” dagdag pa ni Guerrero.
Binigyang-diin ni Guerrero na sa maraming pagsubok na naranasan ng AFP, ang Marawi siege ang siyang may significance dahil sa pagiging desidido ng AFP na makamit ang tagumpay laban sa mga teroristang Maute-ISIS.
“The AFP defended the city that was under siege then we now share the responsibility of its rehabilitation, working together for the return to normalcy of the people of Marawi,” dagdag pa ng opisyal.
Ipinagmalaki din ni Guerrero na malaking tulong ang pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao dahil naging dahilan ito para matuldukan ang rebelyon sa Marawi.