Patuloy ang ginagawang suporta ng Philippine National Police sa lahat ng mga ginagawang hakbang ng gobyerno upang sugpuin ang agricultural smuggling at hoarding sa Pilipinas.
Sa naging pahayag ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil, sinabi nito na buo ang kanilang suporta sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act laban sa mga sangkot na personalidad.
Aniya, handa silang makipagtulungan sa iba pang mga concerned agencies para masugpo ang economic sabotage sa bansa.
Ayon kay Marbil, ang mga smuggler at hoarder ang siyang sumisira sa mga pinagkakakitaan ng mga magsasaka sa Pilipinas.
Humahadlang rin ito upang maaabot ng bansa ang nilalayong food security.
Kung maaalala, ang naturang batas ay pinirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang magbigay ng mas mahigpit na parusa sa mga smuggler , hoarder at mga nagsasagawa ng profiteering, at cartel activities.