Iniulat ng Commission on Elections na sa darating na Oktubre 1 hanggang 8 itinakda ang paghahain ng Certificates of Candidacy para sa gaganaping May 2025 midterm elections.
Sa isang public briefing, sinabi ni Comelec spokesman John Rex Laudiangco na ang paghahain ng COC mula senador hanggang sa mga lokal na opisyal, gayundin ang Certificates of Nomination and Acceptance (CONAs) para sa mga party-list nominees ay gaganapin sa nasabing mga panahon.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi naman ni Elections chairman George Garcia na tinatapos na ng poll body ang Calendar of Activities para sa May 2025 polls.
Sinabi ni Garcia na nagpasya na rin ang Comelec en banc na ang paghahain ng COC para sa mga kandidatong papalit sa mga aatras ng kanilang kandidatura ay mula Oktubre 1 hanggang 8 lamang.
Ayon sa poll chief, inaprubahan ng en banc ang kanyang panukala na limitahan ang panahon para sa mga substitute bets na maghain ng kanilang COCs.
Aniya, ang desisyon na ipagbawal ang substitution dahil sa withdrawal matapos ang huling araw ng paghahain ng COC ay nakaangkla sa kagustuhan ng Comelec na agad na ideklara ng mga kandidato ang kanilang layunin na tumakbo sa public office.
Sinabi ni Garcia na ang pagpapalit ng mga kandidato ay pahihintulutan pa rin pagkatapos ng Oktubre 8 kung ito ay sa batayan ng alinman sa pagkamatay o diskwalipikasyon ng mga kandidato.