Inaprubahan na ng Commission on Elections en banc ang rekomendasyon para sa paghahain ng criminal complaint laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo dahil sa umano’y paglabag sa Omnibus Election Code.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, nag-ugat ito sa material misrepresentation o pagsisinungaling ni Guo nang inihain niya ang kaniyang certificate of candidacy sa pagka-alkalde noong 2021.
Ito ay matapos na tumugma ang nakalap na fingerprints ng alkalde mula sa kaniyang voter’s registration sa fingerprint ng Chinese national na si Guo Hua Ping sa isinagawang pag-analisa ng poll body na nagpapakitang hindi ito Pilipino.
Bunsod nito, pinapasimulan na ng Comelec ang pagsasagawa ng preliminary investigation hinggil sa alkalde.
Sinabi din ng poll body chief na maaari ng mag-isyu ng subpoena upang mai-silbi sa respondent at kaagad na mapasagot sa akusasyon laban sa kanya na nakagawa ito ng material misrepresentation base sa paglabag sa Omnibus Election Code
Bibigyan naman ng pagkakataon ang respondent ng 5 hanggang 10 araw para makapaghain ng counter-affidavit para maipaliwanag ang kaniyang panig.
May option naman umanong hindi dumalo si Guo sa preliminary investigation subalit hindi nito maiiwasan ang kabuuan ng ginagawang proseso ng imbestigasyon ng komisyon
Samantala, binigyang diin ni Garcia na may parusang 1 hanggang 6 na taong pagkakakulong sa ilalim ng Omnibus Election Code ang material misrepresentation.
Una na ngang nanindigan si Mayor Guo na siya ay Pilipino at hindi rin ispiya ng China kasunod ng mga imbestigasyon ng Senado kaugnay sa kaniyang pagkakadawit sa POGO hub sa kaniyang bayan sa Bamban na nadiskubre kalaunan na sangkot sa mga ilegal na operasyon.