Naniniwala ang kampo ni dating Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario na kailangan ng Pilipinas na maghain ng diplomatic protest matapos harangin ang dating kalihim sa Hong Kong International Airport.
Sinabi ni Anne Marie Coromina, legal counsel ni Del Rosario, na hindi katanggap-tanggap ang pagtrato kay Del Rosario.
Bilang dating Foreign Secretary, bumabiyahe aniya si Del Rosario gamit ang diplomatic passport kaya marapat lamang na galangin ito ng mga Hong Kong authorities.
Ayon kay Coromina, “pure harassment” ang ginawa ng Hong Kong sa pagharang sa dating kalihim.
“This is not the way to treat the Philippines, which is supposed to be in friendly relations with Hong Kong. It’s unacceptable,” saad ni Coromina sa isang panayam.
Sinabi ng legal aid ni Del Rosario na patuloy pa nilang kinakausap sa ngayon ang mga kinatawan ng Hong Kong immigration para humingi ng paliwanag kung bakit hinarang ang dating kalihim.
Gayunman, naniniwala raw sila na may mas malaki pang indibidwal na nasa likod nang pagharang kay Del Rosario.
Kung titingnan daw kasi, mayroon namang friendly relations ang Hong Kong at Pilipinas.
Magugunita na sina Del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ay naghain ng reklamo laban kay Chinese President Xi Jinping at dalawang iba pang mataas na opisyal ng Beijing sa Office f the Presecutor ng International Court dahil sa militarisasyon ng China sa West Philippine Sea.
Ayon sa dalawang dating opisyal, dapat managot ang mga Chinese officials dahil sa near-permanent environmental destruction ng China sa West Philippine Sea na maaring makaapekto sa mga Pilipinong mangingisda sa lugar.
Noong Marso lang, hinarang din sa Hong Kong si Morales at iniuugnay ito sa kanilang inihaing reklamo ni Del Rosario.