Ikinatuwa ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang paghahain ng kaso ng ilang investors laban sa mga opisyal ng Kapa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay SEC chairman Emilio Aquino, sinabi nitong umaasa siyang dadami pa ang mga biktima ng Kapa na magkakalakas ng loob at sampahan na rin ng kaso ang mga opisyal ng naturang investment scheme.
Nauna nang iniulat ng Bombo Radyo Koronadal na may ilang investors na sa Buslig, South Cotabato na nagsampa ng kasong estafa para habulin at panagutin ang mga Kapa officials.
Pero para kay Aquino, mas mainam kung magsama-sama ang mga biktima sa paghahain ng syndicated estafa para na rin tuluyan nang matuldukan ang operasyon ng Kapa alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Una rito, inihain ng SEC kahapon sa Department of Justice ang isang criminal complaint laban kina Kapa pastor at founder Joel Apolinario, aknyang asawa at corporate secretary Reyna Apolinario, trustee Margie Danao, gayundin sina Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan dahil sa pag-promote ng investment scam.