-- Advertisements --

Naniniwala ang isang house leader na ang paghahain umano ni Vice President Sara Duterte ng petisyon sa Korte Suprema ay nagpapakita na takot ito sa impeachment trial na isasagawa ng Senado.

Ito ang sinabi ni House Assistant Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list matapos hilingin ni Duterte sa Korte Suprema na pigilan ang napipintong Senate impeachment trial kung saan maisasapubliko ang mga ebidensya laban sa kanya.

Hiwalay pa ito sa kaparehong petisyinna inihain ng ilang abogado mula Davao na konektado sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Puna rin Acidre ang petisyon ay taliwas sa nauna nang pahayag ng Bise presidente na welcome sa kanya ang inihaing rekla mo na nilagdaan ng 215 na miyembro ng Kamara de Representantes at naipadala na sa Senado.

Ang pagbabanta ni VP Duterte laban sa Pangulo, Unang Ginang at Speaker Romualdez ang Article of Impeachment No. 1 sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

Sinabi ng mga miyembro ng House prosecution team na mabigat ang ebidensya sa paratang na ito,  kabilang ang mga video ng kanyang press conference noong Nobyembre 23, 2024 kung saan niya isinapubliko na mayroon siyang kinausap upang patayin ang First Couple at si Speaker Romualdez kung siya ay papatayin.