Nanindigan si Atty. Israelito Torreon na hindi nakipag-ugnayan ang kaniyang grupo kay Vice President Sara Duterte bago pa man ihain ang petisyong kumukuwestiyon sa validity ng impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte.
Noong Pebrero-18 ay pinangunahan ni Torreon ang grupo ng mga abugado mula sa Mindanao at naghain ng petition for certiorari and prohibition sa Supreme Court.
Naniniwala ang mga ito na hindi balido ang pinagdaanang proseso ng impeachment complaint, hindi sumailalim sa verification, minadali ang deliberasyon, atbpa.
Ayon kay Torreon, inihain nila ang petisyon batay sa kanilang sarili at personal na kagustuhan nang hindi kumukunsulta kay VP Sara.
Aniya, siya ang nagsimula sa pagbuo ng complaint hanggang sa ipinakita niya ito sa mga kakilalang abugado at dumaan sa 12 revision bago tuluyang naisapinal at naihain sa SC.
Nilinaw din ng abugado na hindi niya alam ang tungkol sa plano ng pangalawang pangulo na paghahain ng temporary restraining order (TRO) sa SC hanggang sa mabasa na lamang niya sa social media.
Ayon kay Torreon, hindi rin alam ni Duterte ang plano ng kaniyang grupo hanggang sa naihain na nila ang petisyon sa SC.
Giit ng abogado, walang nangyaring koordinasyon sa pagitan ng kaniyang kampo at kampo ni VP Sara, bagkus, sariling desisyon lamang ng dalawang kampo ang ginawa nilang pagtungo sa Korte Suprema.