-- Advertisements --

Suportado ng opisyal ng Philippine Navy ang panawagan na maghain ng panibagong petisyon sa United Nations laban sa China kaugnay sa kamakailang harassment nito sa West Philippine Sea.

Ayon kay PN spokesperson for WPS Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, kung siya ang tatanungin mas mainam na maghain ang gobyerno ng PH ng bagong arbitration case kesa sa magkaroon ng diplomatic talks sa China.

Para kay Rear Adm. Trinidad, parte ng estratehiya ng China ang pakikipagkasundo ng Pilipinas sa walang katapusang pag-uusap kaugnay sa territorial dispute sa WPS na inihalintulad ng opisyal sa pagkahilig sa peace talks ng mga rebelde mula sa Communist Party of the Philippines (CPP).

Muling nabuhay nga ang mga panawagan para sa panibagong arbitration case laban sa China dahil sa mga agresibong aksiyon nito sa WPS sa kasagsagan ng resupply mission ng PH, pagkasira ng ilang maritime features dahil sa durog at wala ng buhay na coral reefs at umano’y reclamation activities nito.

Gayundin ang pagpapadala ng China ng ilan sa makapangyarihang barkong pandigma nito sa territorial waters ng PH sa mga nakalipas na linggo kabilang ang Monster ship na nakaangkla sa Escoda shoal at Shandong carrier strike group na namataang nag o-operate sa Philippine Sea.