Sinimulan na ang paghahakot ng tone-toneladang nakalalason na medical waste sa compound ng isang ospital sa Lucena City.
Sa ulat ng mga kinauukulan ay umabot na sa 100 tonelada ang kasalukuyang mga medical waste ang nahakot sa Quezon Medical Center, katumbas ito ng tatlong buwang pagkakaipon ng mga naturang basura sa ospital.
Sa isang panayam ay sinabi ni Quezon Medical Center, Chief of Hospital, Dr. Rolando Padre na isinasagawa nila ang paglilinis sa naturang compound tuwing magtatakip-silim hanggang madaling araw, oras na mga wala masyadong mga tao dito, upang wala aniya itong masyadong maapektuhan.
Sa oras daw kasi ng paglilinis ay tiyak na maglalabasan ang nakasusulasok na amoy ng mga basura na maaari aniyang makasama sa kalusugan ng isang taong makakalanghap nito.
Sa ngayon ay bumili na ng nasa 80 mga drums ang ospital na paglalagyan muna ng mga basura bago hakutin ito ng mga truck ng basura.
Tinatayang matatapos naman ang naturang paghahakot at paglilinis dito sa loob ng walong araw.
Samantala, sa pinakahuling ulat naman ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay tinatayang umabot na sa 1000 metric tons ang kanilang nakokolektang health-care waste kada araw.
Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones nadagdagan pa ang dami ng kanilang nakokolektang medical waste nang magsimulang tumama ang pandemya sa bansa, kung saan ay naging mandatory sa bansa ang paggamit ng face mask.
Kasalukuyan naman nang nakikipag-ugnayan ang kagawaran sa mga LGU ukol dito upang tiyakang tama at ligtas ang kanilang isasagawang paghahakot sa mga nasabing basura.
Patuloy din ang kanilang pagpapaalala sa mga ito na bigyang sapat na proteksyon ang mga taong maaatasan na maghakot upang masiguro ang kaligtasan nito laban sa panganib na dala ng mga sakit na maaaring dumapo sa kanila.