Inanunsyo ngayon ni Police Regional Office Davao Region (PRO-Davao) Chief, PBGen. Nicolas Torre III na malapit nang matapos ang paghahanap kay Pastor Apollo Quiboloy at iba pang kapwa nito akusado.
Ayon kay Torre, patuloy na lumiliit ang ginagalawan ng nagtatagong pastor dahil nalibot na nila ang ibang bahagi ng Kingdom of Jesus Christ Compound.
Nabatid na umaabot sa 30 ektarya ang lugar, kaya hindi madaling mahanap ang sinumang nagtatago at masilbihan ng warrant of arrest.
Isa pa umano sa nagpabagal ng paghahanap ang hindi lubos na kooperasyon ng mga miyembro ng samahan sa mga unang araw ng kanilang pagtungo sa lugar.
Gayunman, hindi pa masabi ni Torre kung kailan matatapos ang kanilang paggalugad sa lugar na pinaniniwalaang kinaroroonan ni Quiboloy.
Sa panig naman ng KOJC, nanindigan si Atty. Israelito Torreon na wala roon ang pastor.
Maging si Vice President Sara Duterte ay nagsabing malabo ang presensya ng KOJC leader sa loob ng compound.