Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang dalawang dayuhan sa isang manhunt operation noong Sabado, Hulyo 27, sa Tuba, Benguet kaugnay ng isang Chinese na sangkot sa isang Philippine Offshore Gaming Operator sa Bamban, Tarlac.
Kinilala ng ahensya ang mga suspek na sina Wang Keping, 35, babae, at Khuon Moeurn, 37, lalaki, isang Cambodian.
Ayon kay BI Intelligence Division chief Fortunato Manahan Jr., isinagawa ang operasyon kasunod ng impormasyon mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) tungkol sa relasyon ng babaeng Chinese sa POGO.
Naglabas ng mission order si BI Commissioner Norman Tansingco laban sa babaeng Chinese matapos itong maiulat na nagtatago sa Tuba.
Sinabi ni Manahan na dumating sila sa lugar at nadatnan na lamang nila ang dalawang dayuhan pero ang kanilang target na Chinese ay hindi nila nakita sa lugar.
Dito napag-alaman ng BI ang pagkakakilanlan ng dalawang dayuhan na si Moeurn, na isa palang undocumented at overstaying alien matapos itong hindi makapagpakita ng mga kaukulang dokumento. Nagpakita lamang si Moeurn ng larawan ng kanyang Cambodian passport na valid hanggang Agosto 2020 lamang.
Sinabi naman ni Manahan na may working visa si Wang ngunit nahaharap pa rin ito sa mga kaso dahil sa pagtago o pagkupkup nito kay Moeurn.
Dinala na ang 2 dayuhan sa Maynila para sa booking at mananatili ang dalawa sa PAOCC habang nakabinbin ang deportation proceedings.