BAGUIO CITY – Patuloy ang paghahanap ng Department of Education-Benguet Division ng relocation site para sa anim na paaralan sa Itogon, Benguet na nasa geo-hazzard zone lalo na’t malapit na ang pagbubukas ng klase para sa school year 2019-2020.
Ayon kay Neriza Balbosa, DRRM Coordinator ng DepEd-Benguet, katatapos lamang ang isinagawang Hazzard Vulnerability Assessment sa anim na paaralan na kinabibilangan ng Ucab Elementary School, Ampucao Elementary School, Ampucao National High School, Loakan Elementary School, Loakan National High School at Goldfield Elementary School.
Sinabi niya na responsiblidad ng lokal na pamahalaan ng Itogon na maghanap ng ligtas na relocation site sa mga nasabing paaralan.
Dahil dito, makikipagpulong sila sa lokal na pamahalaan para mapabilis ang paghahanap sa lote na maaaring pagtayuan ng mga bagong paaralan.
Idinagdag pa nito na isa sa mga plano ng DepEd ay gawin munang half-day ang klase ng mga naturang paaralan para milimitahan ang bilang ng mga estudyanteng papasok para mailayo sila sa pangamba.