Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na itinigil na ang paghahanap sa mga nalalabing anim na nawawalang tripulante ng lumubog na fishing boat na Genesis 2 sa Davao Oriental noong Hunyo 22.
Ayon sa ahensiya, dakong 11:39 ng gabi kahapon, Hunyo 28 nagpasya ang Coast Guard District Southeastern Mindanao na i-terminate na ang search and rescue operations ngayong araw, Hunyo 29, ito ay pitong araw matapos ang naturang insidente.
Subalit ipagpapatuloy pa rin ang pag-alerto sa mga naglalayag na barko sakaling may mamataan ang mga ito mula sa anim na nawawalang mga tripulante.
Ayon sa PCG, base sa imbestigasyon sinabi ng isa sa mga nakaligtas sa trahedya na posibleng na-trap ang anim na nawawalang kasamahan nila sa loob ng fishing boat na lumubog 182 nautical miles sa bayan ng Baganga na may lalim na 5,000 talampakan.
Nilinaw din ng PCG ang naunang napaulat kung saan ang kapitan aniya ng bangka ay isa sa nawawalang anim nilang kasamahan.
Una ng iniulat na nasa tatlong sakay ng bangka ang nasawi habang 14 naman sa mga tripulante ang nasagip.
Maaalala, ayon sa mga nakaligtas, sinalubog ng malalakas na alon ang kanilang sinasakyang bangka dahilan para lumubog ito.