May ideya na umano ang US Navy kung saan nila matatagpuan ang mga natitirang parte ng F-35 stealth jet na bumagsak sa Pacific Ocean dalawang linggo na ang nakararaan.
Ayon sa isang opisyal ng UN Navy, may lalim na 1,500 feet o 450 meters ang tinitingnan nilang bagong search area ngayon. Ito ay mas mababaw kaysa sa una nilang inakalang pinagbagsakan ng eroplano na may lalim naman na 5,000 feet o 1,500 meters.
Ang F-35 ay itinuturing na “best stealth jet technology” na ginagamit ngayon sa himpapawid. Kung kaya’t malaking misteryo para sa mga ito ang biglaan at hindi maipaliwanag na pagkawala nito sa radar ilang minuto matapos nitong lumipad para sa isang training mission mula Misawa Air Base sa Japan noong April 9.
Nag-ugat ito ng pag-aalala na baka raw subukan ng China o ng Russia na makakuha ng access dito na kaagad namang pinabulaanan ni Japanese Defense Minister Takeshi Iwaya.
Dagdag pa nito na mas hinigpitan ng naval forces ang pagbabantay sa search area. Inanunsyo rin ni Iwaya ang plano nilang magpadala ng deep-sea research vessel upang tumulong sa paghahanap.