Hindi nawawalan ng pag-asa ang mga rescuer na matatagpuan pang buhay ang nasa dose-dosena pang katao na nananatiling missing o nawawala sa itinuturing na pinakamalalang pagbaha na tumama sa Spain sa mga nakalipas na henerasyon.
Hanggang sa ngayon kasi ay patuloy pa rin ang paghahanap ng emergency teams sa posibleng mga survivor mula sa naturang sakuna.
Kasalukuyan na ring tumutulong ang libu-libong volunteers sa Spanish military at emergency services sa rescue at clean-up operation. Ayon kay Valencia regional president Carlos Mazon, mas marami pang mga tropa ang idedeploy.
Nangako naman si Spain Prime Minister Pedro Sanchez na gagawin ng gobyerno ang lahat para matulungan ang mga apektado ng kalamidad.
Sa kasalukuyan, mahigit 200 katao na ang nakumpirmang nasawi sa malawakang baha kung saan karamihan sa mga ito ay naitala sa Valencia region.
Sinira din ng malawakang pagbaha ang mga tulay at nabalot ng putik ang mga bayan at nagresulta sa pagkawala ng suplay ng kuryente, tubig at pagkain sa mga apektadong komunidad.
Ayon sa ilang mga residente, marami sanang buhay ang naisalba kung maagap lamang na nag-babala ang mga lokal na awtoridad hinggil sa panganib ng baha.
Matapos ang pananalasa ng masamang lagay ng panahon sa Valencia at Mediterranean coast, nananatili naman ang rainfall warning sa southern Spain dahil sa posibilidad ng matinding pag-ulan ngayong Sabado kabilang na sa Huelva region at city of Cartaya na nakaranas ng 2 buwang katumbas ng mga pag-ulan sa loob lamang ng 10 oras.
Habang sa timog na bahagi sa city of Jerez, daan-daang pamilya na ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa pagtaas ng lebel ng tubig sa mga ilog bunsod ng malalakas na pag-ulan.