Inamin ni Australian Prime Minister Scott Morrison na wala pa rin silang nakukuhang impormasyon patungkol sa lugar na kinaroroonan ng Australian student na ilang araw nang nawawala sa North Korea.
Ayon sa pamilya ni Alek Sigley, simula noong Martes ay hindi na umano nila ma-contact ang 29-anyos na biktima na kasalukuyang nag-aaral sa Pyongyang.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng foreign affairs department ng Australia upang linawin ang kanilang nakalap na impormasyon kung saan mayroon umanong Australian na nakakulong sa North Korea.
Walang diplomatic presence ang Australia sa North Korea at umaasa lang ito sa tulong ng mga third-party countries tulad ng Sweden.
Dagdag pa ni Morrison, nahihirapan umano ang Australia na kumuha ng impormasyon patungkol sa tunay na nangyari kay Sigley sa kabila ng tulong na kanilang ntatanggap mula sa mga kaalyadong bansa.
“We don’t have any further information. It’s very concerning, I’m very concerned,” saad ni Morrison.
Matagal nang isyu ang pagtrato ng North Korea sa mga foreign citizens lalo na ang mga turista na nanggagaling sa Estados Unidos.
Ang iba raw sa mga ito ay ikinukulong pa ng North Korean officials.