Itinigil na muna ang search and rescue operation sa ilang mga lugar dahil sa nararanasang sama ng panahon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Cedric Daep Albay Public Safety and Emergency Management Office chief, negatibo pa rin hanggang ngayon ang paghahanap sa Aircraft C340 private plane na nairehistrong nawawala, Pebrero 18 ng umaga.
Dagdag pa ni Daep, kung sakaling gumanda na ang panahon bukas ay magpapalipad ng drone ang mga awtoridad para sa aerial inspection.
Agad namang nilinaw ng opisyal na lahat ng natanggap na report kung saan nagsabing nakita umano nila ang nawawalang eroplano ay pinuntahan ng mga rescue team ngunit walang nakita Cessna Plane.
Hamon na lamang ni Daep sa lahat ng mga nagpapakalat ng impormasyon na nakita nila ang nawawalang private plane ay lumapit sa kanila upang maberipika kung totoo o hindi.
Kinilala ang piloto ng nasabing eroplano na si Capt. Rufino James Crisostomo Jr. kasama ang crew na si Joel Martin at sakay ang dalawa pang Australian national na sila Simon Chifferfield at Karthi Santanan.