Itinigil muna ang paghahanap sa nawawalang Yellow Bee Alouette helicopter ng Philippine Adventist Mission Aviation Services (PAMAS) habang inaantay ng mga awtoridad ang pagdating ng bagong underwater equipment.
Ayon kay Coast Guard District (CGD)-Palawan chief Capt. Dennis Labay na naghahanap ang PAMAS ng bagong equipment dahil ang side scan sonar imaging system na unang kinomisyon ay pumalpak.
Tatlong beses aniyang idineploy sa crash site ang naturang equipment subalit walang significant result dahil sa malakas na current.
Tila mayroon aniyang stream sa natuarng lugar kung saan hinihinalang bumagsak ang naturang chopper subalit nang subukan nila ang ibang lokasyon gumana ang sonar kayat posibleng dahil ito sa malakas na current.
Bagamat sinuspendi ang operasyon, nakastandby pa rin ang Coast Guard at Philippine Navy vessels sa lugar para magbigay ng assistance sa Philippine Adventist Mission Aviation Services.
Ang pagpaptuloy ng paghahanap sa nawawalang chopper ay nakadepende sa pagdating ng bagong equipment na magmumula sa Amerika.
Matatandaan na ang helicopter na ginagamit ng PAMAS bilang air ambulance ay napaulat na nawawala noong March 1 habang patungo sa Brooke’s Point, Palawan matapos na isakay ang isang pasyente sa Barangay Mangsee sa Balabac town ng nasabing probinsiya.
Lulan sa nawawalang chopper ang piloto na si Capt. Daniel Lui, nurse Janelle Adler, ang pasyente na kinilalang si Kayrun Nesa Sahibad, at kamag-anak nito na si Nastru Sahibad at Sug Hamja.