Sisimulan ang paghahanap sa nawawalang Pinoy seafarer ng cargo ship na MV Tutor sa engine room kung saan pinaniniwalaang na-trap ito nang atakehin ng Houthi rebels ang barko habang naglalayag sa Red Sea noong Hunyo 12.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac, nagbigay ng assurance ang may-ari ng cargo ship na isasagawa ang search operation para sa nawawalang tripulante kalakip ang pag-asang maiuuwi ito ng buhay sa Pilipinas.
Kaya’t tumanggi munang mag-conclude ang kalihim sa posibleng sinapit ng nawawalang Pinoy seafarer.
Ibinahagi din ng opisya na napuno ng tubig na may halong langis ang engine room.
Ginawa ng DMW official ang pahayag matapos na kumpirmahin nitong Martes ng White House na nasawi ang naturang Pilipinong tripulante sa pag-atake ng Houthi rebels.
Subalit binigyang diin ng mga opisyal ng DMW at Department of Foreign Affairs na hindi pa makumpirma sa ngayon kung nasawi ang nawawalang Pinoy seafarer hangga’t hindi pa nila nakikita ang katawan nito.
Samantala, ayon kay DFA USec. Eduardo de Vega, sinabi ng shipping principal ng MV Tutor na isasagawa ang search operations sa nawawalang tripulante sa oras na madala ang barko sa ligtas na pantalan.