Ibinunyag ni Cebu City Acting Mayor Raymond Alvin Garcia na nasa 90% na ngayon ang paghahanda ng lungsod batay sa kanyang assessment para sa nalalapit na Palarong Pambansa sa darating na Hulyo.
Sinabi ni Garcia na ‘very satisfied’ ito sa kanyang nakikitang pagtatrabaho kung saan inaasahang sa Hunyo 21 ay matatapos na rin ang pagsasaayos sa rubberized track oval ng Cebu City Sports Center.
Aniya, mas maaga ito ng 9 na araw kaysa kanyang itinakdang ultimatum na Hunyo 30.
Nitong Miyerkules ng hapon ay sinimulan ang pag-install ng rubberized track na tatagal naman ng apat na araw.
Susundan naman ito ng curing na aabot sa humigit-kumulang pitong araw bago ang pagpipinta ng line track.
Samantala, bagama’t wala pang kompirmasyon ay pinaghandaan na umano ng lungsod ang posibleng pagdalo sa opening ceremony nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President and Education Secretary Sara Duterte.
Sinabi pa ng opisyal na napadalhan na umano ng mga imbitasyon ang mga ito.
Aniya, malaking event ang Palarong Pambansa at bilang kalihim pa ng Kagawaran ng Edukasyon ay malamang pupunta ang Bise Presidente dito.