Minaliit lamang ng Tokyo 2020 organizing committee ang mga ispekulasyong posibleng maipagpaliban o makansela ang pagdaraos ng Summer Olympics sa Hulyo.
Sa pahayag ng komite, patuloy pa rin ang kanilang mga preparasyon para sa Olympics base sa kanilang napagplanuhan.
Tuloy-tuloy din anila ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang mga organisasyong nakatutok sa pag-monitor sa anumang insidente at kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Iginiit naman ng International Olympic Committee (IOC) na kasama sa kanilang paghahanda para sa presithiyosong sporting event ang mga countermeasures kontra sa naturang virus.
Bago ito, sinabi ni senior IOC member Dick Pound na sakaling mapatunayan na peligroso ang pagsasagawa ng Olympics sa Tokyo dahil sa COVID-19, posibleng kanselahin na lamang ito ng mga organizers sa halip na ipagpaliban o iusog ito.
Ayon pa kay Pound, mayroon pa raw tatlong buwan upang pagpasyahan ang kapalaran ng Olympiyada.
Ibig sabihin nito, maaaring maglabas na raw ng desisyon ang mga organizers sa huling bahagi ng Mayo.
Muli namang inihayag ni Pound na bago sila maglabas ng pasya ay pagbabatayan muna nila ang kanilang konsultasyon sa World Health Organization.