Itutuloy pa rin umano ng Department of Education (DepEd) ang preparasyon para sa implementasyon ng limited face-to-face classes habang naghihintay ng go-signal mula sa gobyerno.
Matatandaang ngayong buwan sana nakatakdang magsagawa ng dry run ng in-person classes ang DepEd sa mga paaralang nasa mga lugar na ikinokonsiderang “low risk” ng COVID-19 transmission, ngunit kinansela ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa banta ng bagong strain ng coronavirus.
Ayon kay DepEd Usec. Diosdado San Antonio, patuloy ang pagtukoy ng kagawaran sa mga paaralang pahihintulutang magsagawa ng limitadong face-to-face classes, maging ang mga ipatutupad na minimum health standards upang mapigilan ang hawaan ng COVID-19 sa mga estudyante, school personnel, at mga magulang.
Samantala, ngayong araw ng Lunes nagpatuloy ang mga distance learning activities sa mga pampublikong paaralan, na simula na rin ng second grading period.
Sinabi ni San Antonio, naging matagumpay ang first grading period mula Oktubre 5 hanggang Disyembre 12 dahil kakaunti lamang umano ang mga aberya sa implementasyon ng distance learning.
Noong Oktubre nang maglabas ng memorandum ang kagawaran na naglalayong pagaanin ang stress na nararamdaman ng mga mag-aaral at mga guro sa distance learning.
Para naman aniya sa second quarter, sumailalim sa quality assurance ng DepEd Central Office ang mas marami pang mga learning modules na ginagamit ng mga bata.
Katwiran ni San Antonio, noong first quarter ay hindi na-review ng central office ang ilang mga modules, lalo na ang mga ginawa ng kanilang mga regional at division offices.