Kinumpirma ng National Dissaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na ang ginagawa nilang paghahanda para posibleng epekto ng Bagyong Ompong ay kahalintulad sa lebel noong Yolanda.
Ayon sa NDRRMC, may ilan lamang silang aspetong binago lalo na raw ang mga napatunayan nilang hindi naging epektibo.
Aminado ang ahensya na marami silang natutunan sa Yolanda lalo na sa mga ginawang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga apektadong sibilyan.
Sa ngayon, pinaaalerto at pinag-iingat ng NDRRMC ang mga residente mula sa siyam na probinsiya sa Northern Luzon na makakaranas na ng malakas na pag-ulan at pagbayo ng hangin habang papasok sa Philippine Area of Responsibility ang Bagyong Ompong sa araw ng Miyerkules.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Dir. Edgar Posadas, mahalagang maging alerto at maingat ang mga residente dahil malakas lakas ang pag ulan at pagbayo ng hangin.
Sinabi ni Posadas na maaaring magpapatupad na rin sa Miyerkules ng pre-emptive evacuation.
Ang mga probinsiya na makakaranas ng malakas pag-ulan at pagbayo ng hangin ay ang Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Norte, Batanes at Babuyan Island.
Una nang isinailalim sa red alert status ang apat na rehiyon na tutumbukin ng Bagyong Ompong at ito ay ang Region 1,2,3 at Cordillera.
Nangako na rin aniya ang mga higanteng telecommunication companies na magbibigay sila ng mga emergency lines sa sandaling bumigay na ang mga linya ng komunikasyon at kuryente.
Nakahanda na rin ani Posadas ang P1.7-billion standby fund para sa food and non-food items na magmumula sa Department of Social Welfare and Development bilang ayuda sa mga maaapektuhan ng sakuna.
Ibinalita rin ni Posadas na ngayon pa lamang ay nagbibigay na sila ng tulong sa mga taga-Batanes na hinagupit ng nagdaang bagyong Neneng kaya ngayo’y puspusan na rin ang clearing operations sa lugar bilang paghahanda sa paparating na bagyo.