-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pahirapan ngayon ang paghahatid ng mga relief goods patungo sa lalawigan ng Apayao dahil sa nararanasang pagbaha sa nasabing lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Asst. Regional Director Enrique Gascon ng Department of Social Welfare and Development-Cordillera Administrative Region (DSWD-CAR) na pangunahing naapektuhan ng pagbaha ang mga bayan ng Santa Marcela, Luna, Flora at Pudtol, Apayao.

Mayroon na aniyang 700 family food packs at sleeping kits ang naipamahagi sa mahigit 219 na pamilya na nasa 11 evacuation centers sa Apayao.

Posibleng madagdagan ang mga evacuation centers na maaaring puntahan ng mga evacuees.

Sinabi pa ni Asst. Regional Director Gascon ng DSWD-CAR na naging pahirapan ang kanilang paghahatid ng mga family food packs dahil sa mga binahang daan sa Pamplona, Cagayan.

Sa ngayon ay nagrenta ng 10 truck ang DSWD-CAR at nakaantabay na magdala ng mga relief goods sa mga naapektuhan ng pagbaha sa lalawigan ng Apayao.