MANILA – Nilagpasan umano ng Philippine taekwondo squad ang expectations ni Philippine Taekwondo Association secretary general Monsour del Rosario matapos na makahakot sila nang 4 gold, 4 silver medals sa unang araw pa lamang ng kanilang kompetisyon kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa dati ring taekwondo champion, sinabi nito na nasa tatlong gintong medalya lamang ang inaasahan nilang maibulsa ng Pinoy jins sa taekwondo pattern exhibition o Poomsae category ng 30th Southeast Asian Games.
Labis nitong ikinatuwa ang pagsungkit ng Pinoy squad ng mga ginto sa iba’t ibang events kung saan nagpakita sila ng kahusayan sa pagsasagawa ng kanilang maaksiyong choreographed routines kagaya na lamang sa Recognized Poomsae Individual Male, Recognized Poomsae Individual Female, Recognized Poomsae Team Male, at Freestyle Poomsae Individual Male.
Nakasingit din sila ng dagdag na apat pang mga silver medals sa ibang events.
Dahil dito, nahigitan na ng Philippine taekwondo team ang nakuha nilang mga gintong medalya noong nakaraang 2017 SEA Games sa Malaysia kung saan nag-uwi lamang sila ng 2 golds, 3 silver, at 4 bronze medals.
Umaasa si Del Rosario na sa pagsisimula naman ngayong araw ng full contact sparring o Kyorugi category ay madadagdagan pa ang makukuhang gintong mga medalya ng bansa na aniya’y nangunguna na ngayon sa Southeast Asia pagdating sa larong taekwondo.