Sumentro sa katatagan sa pagharap sa mga hamon ng buhay ang mensahe ni Vice President Sara Duterte para sa pista ng Nazareno.
Ayon sa pangalawang pangulo, panahon ngayon ng pagdiriwang, taimtim na paggalang at pasasalamat sa walang hanggang pagmamahal ng Diyos para sa atin.
Aniya, ang Itim na Nazareno ay isang patunay na hindi natin haharapin ang mga hamon nang mag-isa, sapagkat ang Diyos ay patuloy na gumagabay sa atin, naglalakad kasama natin, at nagdadala ng krus para sa atin patungo sa kaligtasan.
Dagdag pa niya, ang debosyon sa Itim na Nazareno ay isang patunay ng malalim na tiwala sa mga himala ng Diyos na nagiging bukal ng lakas, tapang, at inspirasyon upang maging matatag habang pinanghahawakan natin ang ating pananampalataya at hinaharap ang mga hamon.
Tinatawagan umano tayo na magpakita ng kababaang-loob, kabaitan, at awa sa lahat ng nangangailangan, kahit na sa mga umuusig sa atin.
Panawagan ng bbise presidente, patuloy na manalangin para sa kagalingan, karunungan, at gabay habang sinasariwa natin ang ating pananampalataya sa panalangin at pagninilay sa ating misyon bilang mga anak ng Diyos.
Patuloy din umano tayong manalangin para sa ating bansa at sa ating mga kapwa Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan, may sakit, at mga naghihingalo.
Ang lahat aniya ng ginagawa ay para sa Diyos, Bayan, at bawat Pamilyang Pilipino.