Nagpakitang gilas agad sa kanyang NBA debut si Zion Williamson, ngunit hindi ito naging sapat makaraang tibagin ng San Antonio Spurs ang New Orleans Pelicans, 121-117.
Si Williamson, na tatlong buwang nagpahinga matapos sumailalim sa arthroscopic surgery sa kanyang kanang tuhod noong Oktubre, ay ibinuhos ang 17 sa kanyang 22 points para sa natalong Pelicans.
Kitang-kita pa kay Williamson na hirap pa ito sa unang tatlong quarters kung saan naglaro lamang ito ng mababa pa sa 12 minuto.
Ngunit nakahanap ng buwelo ang 19-year-old sensation nang pumukol ito ng 3-pointer sa nalalabing siyam na minuto, rason para mabuhayan ng loob ang mga manonood.
Sa sumunod na tatlong minuto, sumandal na ang New Orleans kay Williamson, na nagsalpak ng alley-oop, put back shot, at tatlo pang 3s.
Tinapos ng 6-foot-6 star ang kanyang pagharurot sa pamamagitan ng isang free throw kasabay ng hiyawan ng mga manonood, na tinawag pa itong “M-V-P!”
Sa kabila nito, nakabangon ang Spurs na sinimulan ng finger roll at pull-up jumper ni DeMar DeRozan at sinundan ng tip-in at jumper ni LaMarcus Aldridge.
Nakalapit pa sa 119-117 ang New Orleans bunsod ng tres ni Josh Hart, ngunit tumugon ng dalawang free throws si Aldridge at hindi na kailanman pa lumingon ang San Antonio.
Humataw sa panig ng Spurs si Aldridge na may 32-point, 14-rebound performance, at dinagdagan pa ni DeRozan ng 20 markers.
Susunod na haharapin ng Spurs ang Phoenix sa Sabado upang simulan ang two-game home stand.
Makakasagupa rin ng Pelicans ang Denver sa araw din ng Sabado.