BUTUAN CITY – Magpapatuloy sa pamimigay ng mga relief goods ang mga youth volunteers nitong lungsod para sa mga sinalanta ng bagyong Odette sa Dinagat Islands.
Ito’y kahit na tumaob kahapon ang motorbanca kung saan lulan ang mga relief goods.
Inisyatiba ng mga pribadong indibidwal at iba pang youth volunteers ang pagtungo sa isla sa pangunguna ng Sangguniang Kabataan Butuan City Federation president na si Zephanee “Pan Pan” Nietes.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Nietes na base sa kanyang pakikipag-ugnayan sa grupo, nalaman niya na habang naglalayag ang naturang sasakyang-pandagat ay bigla na lang umanong sumama ang lagay panahon.
Lumakas daw ang ihip ng hangin hanggang sa hampasin na ng naglalakihang alon ang barko sanhi ng tuluyang pagtaob.
Ligtas naman ang lahat ng mga sakay nito nang dumating ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG)-Surigao del Norte ngunit nabasa na ang 50% ng relief goods.
Sakay ng tumaob na bangka ang 250 food packs pati na ang mga solar powered lights at tubig, para sana sa bayan ng Libjo sa Dinagat Islands province.
Dahil sa nangyari ay ibinigay na ang natirang relief goods sa isang komunidad sa Punta Bilar na sakop ng probinsya malapit sa pinangyarihan.
Nananawagan din ito sa mga nakikinig na suportahan ang kanilang hakbang o kaya’y direkta na mismong puntahan ang mga apektadong lugar.
Nagpapasalamat din ito sa Bombo Radyo na siyang tumulong sa kanyang pag-facilitate ng tawag sa PCG-Surigao del Norte kung kaya nailigtas ang mga sakay ng bangka pati na ang mga tripulante at iba pang relief goods.