Pansamantalang itinigil ang paghigop sa natitirang kargang langis ng lumubog na MT Terranova para bigyang daan ang pag-unload ng narekober na oily waste sa may Orion Dockyard sa lalawigan ng Bataan.
Sa oras na makumpleto ang paglilipat ng nakolektang langis, dadalhin ito sa isang treatment facility para sa maayos na pagtatapon. Ito ang kinumpirma ng Philippine Coast Guard ngayong Sabado.
Nakakolekta naman na ang kinontratang salvor ng PH na Harbor Star ng mahigit 903,000 litro ng oily waste mula sa motor tanker mula Agosto 19 hanggang 29.
Samantala, nagsagawa din ng aerial surveillance ang BRP Sindangan sa ground zero at nagsagawa ng monitoring ang mga personnel nito sa karatig na shoreline para sa posibleng bakas ng oil sheen subalit walang naobserbahan sa parehong operasyon.
Samantala sa kaso naman ng tumaob na MTKR Jason Bradley, patuloy ang re-sealing at patching operation sa manhole at air vents ng barko.
Sa isinagawa ding pagpatroliya ng Oil Response Team sa coastline, wala ding naobserbahang oil sheen.