-- Advertisements --

Kinumpirma ni PNP Chief Gen. Debold Sinas na ang isa sa pitong suspek sa pagpaslang kay dating Jolo chief of police Ltc Walter Annayo ay kamag-anak ng isa sa apat na sundalong napaslang sa Jolo fatal shooting nuong nakaraang taon.

Gantihan ang isa sa tinitingnang anggulo sa pamamaslang kay Annayo.


Ayon kay PNP Chief, sinampahan na ng PNP ng kasong murder ang pitong suspeks sa Maguindanao.

Kinilala ni Sinas ang mga suspeks na sina Rasul Nahang Radja aka Rasul Asula, Nara Kagatan Asula nakamag-anak ni Cpl. Abdul Asula at lima pang John Does.


Matatandaang si Annayo ang hepe ng anim sa siyam na pulis na suspek sa pagpaslang sa apat na Army intelligence operatives sa pangunguna ni Maj. Marvin Indammog, Cpt. Erwin Managuelod, Cpl Velascao at Cpl Abdul Asula.


Si Annayo ay pinaslang ng mga sakay ng puting SUV sa kahabaan ng Narciso Ramos Highway sa Sultan Mastura, Maguindanao habang bumibili ng buko juice.


Inihayag ni Sinas na ongoing ang manhunt operation laban sa siyam na pulis na suspek sa pagpatay sa apat na sundalo.


Batay sa report ng PNP BARMM nakabalik na ng sulu ang siyam na dating pulis.


Magugunitang pinalaya ng liderato ng PNP ang 9 na dating Pulis Jolo matapos sibakin sa serbisyo dahil sa kasong administratibo at kawalan ng arrest warrant.
Pero ilang araw matapos palayain sa kostudiya ng PNP, naglabas naman na ng warrant ang Jolo RTC laban sa mga suspek kaya’t inatasan muli ang PNP na arestuhin ang kanilang dating kabaro.


” Kamag-anak siya sa napatay doon. Yun po ang report na binigay ng PRO BAR at CIDG sa akin, most likely yun ang isa sa mga anggulo na gumanti sila doon sa chief of police. Actually finile pa namin kaso. So alam mo naman kapag ordinary filing ng cases intayin muna namin yung response at saka resolution ng case niya. So ngayon minomonitor namin nasa Jolo na sila.Hanggang ngayon is under
negotiations at tinatrack pa po sila ng mga manhunt teams namin,” wika ni Gen. Sinas.