Paghihiganti ang tinukoy na motibo ng Philippine National Police (PNP) kasunod sa nangyaring pagsabog kagabi sa Quezon Boulevard sa Quiapo, Manila na ikinasugat ng 14 na indibidwal.
Ayon kay ASEAN Security Task Force Commander at NCRPO Chief, P/Dir. Oscar Albayalde, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, ang sanhi ng pagsabog ng isang pipe bomb ay paghihiganti bunsod sa pambubugbog ng tatlong kalalakihan sa isang menor de edad.
Una nang tinukoy ng PNP na gang war o awayan ng dalawang grupo ang sanhi ng pagsabog at wala itong kinalaman sa nagpapatuloy na ASEAN Summit sa bansa.
Sinabi ni Albayalde na kanila nang inaalam ang pagkakakilanlan ng lalakeng suspek na nagpasabog ng pipe bomb at subject na ito ngayon ng manhunt operations.
Sa kasalukuyan, walong indibidwal na lamang ang nananatili sa pagamutan at sumasailalim sa medical treatment, habang anim dito ay na-discharge na sa hospital.
Dagdag pa ni Albayalde na sa ngayon ay ligtas at cleared na ang lugar kung saan sumabog ang isang pipe bomb.
Aniya, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng PNP ukol sa insidente.
Tiniyak naman ng heneral na safe at secured ang bansa lalo na ang kalakhang Maynila para sa mga local at international delegates ng ASEAN Summit.
Sinabi naman ni Albayalde na in place pa rin ang security measures na kanilang ipinapatupad para sa ASEAN Summit.
“Initially, we gathered that this started w/ the mauling of a minor by 3 individuals. The pipe bomb came as a revenge to the 3. The area of explosion was declared safe & cleared of any other dangerous materials by our EOD. The case is now under investigation. Rest assured that the incident is not in any way connected or directed to the ongoing ASEAN Summit. Further, I assure that the region is safe and secured for our local and international delegates. Security measures are in place,” mensahe ni Albayalde.