-- Advertisements --

DAVAO CITY – Paghihiganti ang isa sa mga tinitingnang motibo ngayon ng Digos City Police station tungkol sa pagkamatay ng isang retired police na tinambangan ng riding in-tandem.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Davao, sinabi ni Police Col. Ernesto Castillo, Digos City Police station Officer in Charge na posible umanong may kaugnayan sa dating trabaho ng biktima na si PO3 Ronie Iligan bilang isang pulis ang dahilan ng pamamaril-patay sa kanya.

Dagdag pa ni Col. Castillo na nagsasagawa na sila ngayon ng mas malalim pang imbestigasyon sa nasabing krimen.

Tiniyak din ni Castillo na hindi sya hihinto sa paggawa ng hakbang hanggang sa hindi mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima na dati niya ring kaklase sa akademya.

Kung maalala, binaril-patay si Iligan ng dalawang lalaki na nakasakay ng motor kagabi habang nagpapakain ito ng aso sa kanyang mismong pamamahay sa Digos City.

Dahil sa nangyaring insidente sa retired pulis, sisitahin na ngayon ng kapulisan ng Digos City Police Office ang lahat ng mga single motorcycles na mayroong angkas.

Layunin umano nito na mapigilan ang pag-atake ng mga motorcycle riding in-tandem.