-- Advertisements --

Ipinapatupad ng mga bus drivers at operators sa Mindanao ang paghihigpit sa pagsakay ng mga pasahero bilang precaution sa naunang nangyaring pambobomba sa Mindanao State University (MSU).

Kabilang sa mahigpit na sinusunod ay ang hindi pagsakay ng mga pasahero mula sa labas ng mga terminal.

Ayon kay Aisa Saumay Usop, ang head ng Davao City Overland Transport Terminal (DCOTT), pinagbabawalan na ang mga bus driver na magsakay ng mga pasahero sa mga highway mula sa Davao City papunta sa iba pang mga probinsya at rehiyon.

Kasabay nito ay umapela ang opisyal sa mga bus driver at mga conductor, kasama na ang mga pasahero na sundin ang naturang polisiya, upang maprotektahan at matiyak ang kaligtasan ng mga ito.

Ipinapatupad na ng mga tsuper ang pagsasara sa pintuan ng kanilang mga minamanehong bus upang hindi na magsakay ng mga pasahero.

Sa mga pasahero, pinayuhan din ng opisyal na iwasan nilang pumara o sumakay sa labas ng terminal.

Paliwanag ni Usop, kinakailangang ma-inspect ang lahat ng mga sumasakay na pasahero, kasama na ang kanilang mga dala-dalang bagahe, upang masigurong hindi maulit ang nangyaring pambobomba sa unibersidad kung saan nakapagpasok ng bomba ang mga terorista sa loob ng unibersidad, at nagawang pasabugin sa loob ng gymnasium habang nagsasagawa ng misa sa loob nito.