BOMBO DAGUPAN — Para umano sa pag-deploy ng mga Amerikanong sundalo sa buong Europa.
Ito ani Bombo International News Correspondent Rufino “Pinoy” Legarda Gonzales ang basehan sa naging pahayag ni dating US President Donald Trump hinggil sa paghikayat sa Russia na atakihin ang anumang bansa na miyembro ng North Atlantic Treaty Organizaton (NATO) na hindi magbabayad sa kanilang dues.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi nito na noong nanunungkulan pa ang dating Presidente sa opisina ay sinasabihan nito ang NATO member countries na magbayad para sa pagdeploy ng US soldiers sa Europa.
Subalit ang naging problema umano ay nang lumabas na hindi nagbabayad ang mga ito para sa pagpapadala ng mga sundalong Amerikano at mga kagamitang pandigma habang ang Estados Unidos ay ang nagbabayad ng pinakamalaking parte sa organisasyon.
Kaya naman ang pahayag ni Trump ay panunukso umano sa mga ibang miyembrong bansa ng NATO dahil kung atakihin man sila ng Russia ay hindi sila dedepensahan sa anumang pamamaraan ng Estados Unidos.
Pagdidiin pa nito na ang dating pangulo ay nagsasalita lamang umano mula sa pananaw ng isang mamumuhunan at hindi bilang pagdepensa sa Estados Unidos.
Dagdag pa nito na ang Estados Unidos lamang umano ang nagbibigay ng pinakamaraming aid sa organisasyon kumpara sa ibang bansa na kakaunti lamang ang ipinapadalang tulong. Ito naman ay may kaugnayan sa umiiral pa rin na sagupaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Dahil dito, malaki naman aniya ang magiging epekto nito sa administrasyon ngayon ni President Joe Biden lalo na’t nagkaroon ng kasunduan ang dating administrasyon na hindi pahihintulutan ng Estados Unidos ang Ukraine na maging miyembro ng NATO na binago naman ngayon ng kasalukuyang administrasyon na hindi naman pinapaburan ng Russia.