Aminado ang EDSA People Power Commission (EPPC) na mistulang pahirapan pa na mahimok ang sektor ng kabataan na makiisa sa paggunita ng tinaguriang bloodless revolution noong 1986 na nagpatalsik sa rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay EPPC Commissioner Joey Concepcion, bagama’t naaalala pa ng mayorya ng mga Pilipino ang mga nangyari noong panahong iyon, malaking hamon sa kanila na kumbinsihin ang mga batang henerasyon na sumali sa okasyon.
Tingin ni Concepcion, posibleng ito raw ay dahil sa hindi naranasan ng mga kabataan ang kanilang sinapit noong panahon ng diktadurya.
Kaugnay nito, sinabi ni Spirit of EDSA Foundation commissioner Christopher Carrion sa panayam ng Bombo Radyo na plano nitong magtatag ng isang youth group na siyang magtataguyod sa legasiya ng 1986 People Power Revolution.
“I want to eventually form a youth group who believes in continuing this, to make sure that this is celebrated,” wika ni Carrion.
Inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director PMGen. Debold Sinas, umabot sa 1,000 katao ang nakibahagi sa taunang pagtitipon, na mas kakaunti raw kumpara nitong mga nakalipas na taon.
Hindi na rin dumalo sa EDSA commemoration ngayong taon ang ilan sa mga itinuturing na icons tulad nina dating Pangulong Fidel Ramos at dating Sen. Juan Ponce Enrile.