DAGUPAN CITY- Nakatanggap ng ulat ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting na may mga kinatawan ng ilang partido na humihingi ng identification card o ID sa mga botante sa bayan ng Mangaldan sa lalawigan ng Pangasinan.
Sinasabi sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Fr. Oscar Roque, Chairman ng PPCRV sa bayan ng Mangaldan, hinihinala nilang isa itong pamamaraan ng talamak na vote buying na hindi lang naman aniya sa kanilang bayan nangyayari kundi maging sa ibang lugar sa probinsiya.
Aniya, kasabay ng mainit na panahon ay kabaligtaran naman nito ang sitwasyon ng magkabilang partido sa nasabing bayan dahil nananatiling payapa at walang naitatalang girian ng supporters ng mga kandidato.
Samantala, pakonti-konti na lamang ang bumuboto sa mga polling precincts sa bayan ng Mangaldan kaya naniniwala ito na kayang matapos ng eksakto ala-sais ng gabi ang nagaganap na eleksyon.