CAGAYAN DE ORO CITY – Bukas loob na tinanggap ng pamilya Dormitorio ang paghingi ni AFP chief of staff Lt. Gen. Noel Clement nang sorry kaugnay sa sinapit na pagkamatay ni Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4th Class Darwin Dormitirio sa mga kamay ng kanyang upperclass men sa Baguio City.
Ito ay matapos personal na ipinaabot ni Clement ang paghingi nang unawa sa mga magulang ni Darwin dahil sa masakit na pangyayari sa loob ng PMA.
Inihayag sa kapatid ni Darwin na si Dexter Dormitorio nagpapasalamat din ang pamilya sa panalangin na inialay ni Clement at buong AFP.
Sinabi ni Dexter sa Bombo Radyo na hindi muna sila magbigay ng karagdagang mga pahayag ukol sa pangyayari lalo pa’t hindi na pa naihain ang kasong anti-hazing law violation laban sa grupo ni PMA Cadet 1st Class Axl Ray Sanupao na mismong nag-uutos sa kanyang underclassmen upang saktan si Darwin.
Natuklasan na hindi lamang isa subalit maraming beses na minaltrato ng mga kadete si Darwin hanggang bumigay ang katawan noong Setyembre 18 mismo sa kanyang kuwarto sa PMA.
Sa ngayon, hinihintay na ng Baguio City Police Office ang pagdating ng pamilya Dormitorio upang pormal na mahain ang kaso laban sa mga suspek sa piskalya ng Baguio City.