Malugod na tinanggap ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakahirang ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Philippine Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana bilang ika-55 AFP chief of staff.
Ayon kay AFP spokesperson M/Gen. Edgard Arevalo, si Sobejana ay may pinakamahusay na katangian ng sundalong Pilipino.
Bilang isang Medal of Valor awardee, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay sa isang sundalo, napatunayan ni Sobejana ang kanyang kagitingan “above and beyond the call of duty”.
Ayon kay Arevalo, si Sobejana ang ikatlong naging AFP chief of staff na nagkamit ng Medal of Valor.
Ang una ay si M/Gen. Paulino Santos noong 1935, pangalawa si M/Gen. Mariano Castaneda noong 1936 hanggang 1938.
Dagdag pa ni Arevalo, mataas ang respeto kay Sobejana sa buong hanay ng militar dahil sa kanyang malawak na eksperyensya sa pamumuno, magandang track-record, at pagiging mapagkumbaba.
Si Sobejana ay miyembro ng PMA “Hinirang Class of 1987” ay kilala ng kanyang mga kasamahan bilang isang “warrior” na may puso ng “peacemaker.”
Nakatakdang palitan ni Sobejana si AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay na magreretiro sa serbisyo sa Pebrero 4.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Sobejana kaniyang sinabi na prayoridad nito ang kapakanan ng mga sundalo lalo na yaong mga nasa combat areas dahil ramdam nito ang sakripisyo ng mga sundalong nakikipaggiyera sa mga kalaban.
Inihayag din nito na “satisfied” siya sa performance ng mga army units sa pagtupad ng kanilang misyon.
Samantala, ibinahagi rin ni Sobejana ang kaniyang naging karanasan ng siya ay malubhang nasugatan noon sa Basilan na halos kumitil sa kaniyang buhay.
Kwento ni Sobejana sa Bombo Radyo, nagpakatatag siya para sa kaniyang pamilya.
Aniya, hindi niya ipinaalam sa kaniyang ina na siya ay malubhang nasugatan noon sa bakbakan laban sa mga teroristang Abu Sayyaf.
Dahil dito, dalawang taon siya namahinga dahil ginagamot ang kaniyang kamay na labis ang tama ng bala.
Aniya, hindi raw niya akalain na siya ay gagawaran noon ng highest military award.