Inihayag ni Department of Education-7 Director Dr. Salustiano Jimenez na malaki pa umano ang kontribusyon sa ekonomiya sa Central Visayas ang paghost ng Cebu City sa Palarong Pambansa 2024.
Sinabi pa ni Jimenez na maganda pa umano ang epekto nito hindi lang sa industriya ng turismo kundi maging sa lahat ng aspetong pang-ekonomiya sa rehiyon.
Aniya, hindi lang mga lokal na turista ang magtutungo rito kundi maging ang mga dayuhan para lang masaksihan ang kaganapan at inaasahang bibisitahin din ng mga ito ang iba’t ibang mga lugar sa rehiyon.
Ibinunyag din nito na magbibigay ng pondo ang national at Central office ng Department of Education para sa nasabing sporting event, gayunpaman, ang mga paghahanda ay ipauubaya sa host city.
Kabilang na rito ang billeting quarters at playing venues para sa mga atleta.
Sinabi pa niya na hindi lang umano pang one-time use ang mga inaayos na pasilidad dahil maaari naman itong magamit sa iba pang darating na malalaking sports competition kung saan ‘looking forward’ ito na pagkatapos ng Palarong Pambansa ay gamitin din itong venue para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) school games.