BUTUAN CITY – Kinondena at ikinagalit ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)ACT ang paghuli ng pulisya at militar kay Rosanilla ‘Lai’ Consad, ang assistant school principal sa San Vicente National High School nitong lungsod ng Butuan sa kadahilanang ito’y trumped-up lamang at walang basehan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni ACT Rep. France Castro na sinampahanb umano ng kasong attempted homicide si Consad na ACT-Caraga regional secretary general, matapos ibinasura ng korte ang unang kasong malicious mischief at kidnapping isinampa laban sa kanya.
Katawa-tawa umano ang isinampang kaso ng pulisya at militar dahil sa panahong inakusahan umano ang kanilang kasamahang guro na ini-ugnay sa pagbaril ng isang sundalo at CAFGU member nitong nakalipas na taon ay ukupado si Consad sa kanyang trabaho para sa blended-learning ng mga kabataan.
Hayagang harassment, pananakot at layuning buwagin ang kanilang unyon ang target ng mga nag-akusa sa kabila na rehistrado ito simula pa nitong taong 2012.
Aminado si Rep. Castro na taong 2018 pa ay isinama na umano ng militar si titser Lai sa mga membro ng mga asosasyon na nai-red at terror tag na umano’y grand design ng administrasyon upang patahimikin.
Una nang nilinaw ng Police Regional Office (PRO) 13 kahapon noong iprenisenta sa media si Consad na nagpatupad lamang umano sila sa arrest warrant ng korte at bahala na ang akusado na magpresenta ng katibayan sa korte upang linisin ang kanyang pangalan.