BAGUIO CITY – Wala umanong nakikitang indikasyon ang Baguio City Police Office (BCPO) na namaltrato si Philippine Military Academy (PMA) Cadet 4CL Darwin Dormitorio dahil sa kanyang ama.
Ayon kay BCPO city director, Col. Allen Rae Co, batay sa kanilang imbestigasyon ay walang mga instances na nabanggit na minaltrato si Dormitorio dahil anak ito ng dating military officer.
Maalalang ang ama ni Darwin na si retired Army Col. William Dormitorio ay graduate ng PMA Marangal Class of 1974.
Batay sa imbestigasyon ng BCPO at PMA, ilang beses minaltrato si Cadet Dormitorio ng kanyang mga upperclassmen.
Nangyari ang unang pagmaltrato noong Agosto 19 nang higit 20 minutong pinagbubugbog nina Cadet 3CL Felix Lumbag Jr. at Cadet 3CL Shalimar Imperial si Dormitorio dahil sa paggastos nito ng kalahati ng kanyang allowance na nagresulta sa pagka-confine ng plebo sa PMA Station Hospital ng walong araw.
Sunod na insidente ay noong tinadyakan ni Imperial ang mukha ni Dormitorio noong Agosto 28 matapos itong makalabas ng ospital na nagresulta ng lubhang pagdugo ng kanyang ilong.
Kinagabihan ng September 14, minaltrato nina Imperial, Lumbag at Manalo si Cadet Dormitorio sa pamamagitan ng paglagay ng plastic bag sa ulo nito hanggang sa muntik na itong ma-suffocate.
Itinali pa nila ang mga kamay ni Cadet Dormitorio sa batok nito at nilagyan nila ng walis tambo ang pagitan ng mga kamay at batok nito.
Setyembre 17 nang minaltrato muli nina Lumbag at Imperial si Dormitorio sa utos umano ni Cadet 1CL Axl Rey Sanopao dahil sa nawawalang combat boots nito na ipinagkatiwala niya sa namatay na kadete.