-- Advertisements --
hk airport

Mas lalo lamang daw pinapalala ni Hong Kong leader Carrie Lam ang kasalukuyang sitwasyon sa Hong Kong sa kabila ng pagsisikap nito na pahupain ang galit na nararamdaman ng mga raliyista.

Una nang nanawagan si Lam sa mga nag-aalsa na itigil na ang kanilang panggugulo dahil na rin sa hindi magandang dulot nito sa ekonomiya ng lungsod.

Bagama’t umapela ng kapayapaan, sinisisi pa rin ni pro-democratic activist Nathan Law ang tila pagiging arogante umano ni Lam matapos nitong ibaling sa mga raliyista ang kaguluhan sa Hong Kong.

Ayon kay Law, hindi raw naisip ni Lam na mali ang naging hakbang nito na isulong ang extradition bill sa naturang lungsod maging ang responsibilidad na kaakibat ng kaniyang mga desisyon.

Dagdag pa ni Law, hindi rin daw naiintindihan ni Lam ang pinaglalaban ng mga nagpo-protesta na ang nais lamang ay tuluyang pagbasura sa kontrobersyal na panukala at imbestigahan ang brutal na pananakit ng mga otoridad sa mga kapwa nila raliyista.

Samantala, 2,300 aviation workers naman sa ilang paliparan sa Hong Kong ang nag-welga bilang pakikiisa sa malawakang kilos-protesta sa kanilang lungsod.

Dahil dito, mahigit 100 flights naman ang kinansela sa kabila ng panawagan ng mga airport authorities sa mga pasahero na posibleng maantala ang kanilang mga flight schedules.

Nagdulot ito nang pagka-stranded ng mga pasahero maging sa ibang bansa na may biyahe ang Cathy Pacific.

Ang turismo ng Hong Kong ay apektado na rin dahil sa naturang serye ng mga kilos protesta.