Nagbabala ang ilang mga eksperto ng matinding epekto sa Hong Kong lalo na sa ekonomiya nito kung sakaling tuluyang makialam ang China sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang puwersa militar.
Ang naturang pangamba ay lalong lumakas nang makumpirma ang presensiya ng Chinese paramilitary units malapit sa border ng Hong Kong.
Batay sa Hong Kong Basic Law o kaya mini constitution, ang gobyerno ng Hong Kong ay legal naman kung humiling sa Chinese Peoples’ Liberation Army (PLA).
Sa ngayon merong naka-standby na 6,000 sundalo ng China sa garrison sa loob ng siyudad.
Gayunman ayon kay Johannes Chan, professor of law at dating Dean ng Faculty of Law sa University of Hong Kong sa panayam ng CNN, maaari lamang mag-request ang siyudad kung hindi na kayang makontrol ang sitwasyon.
Subalit sa panahon daw ngayon ay hindi pa ito umaabot sa naturang kalagayan.
Isa namang opisyal sa Amerika ang nagsabi na ang ginagawa ngayon ng Chinese forces ay bahagi lamang daw ng propaganda.
Ilang political experts din ang nagbabala na kung sakaling makialam ng husto ang Chinese troops sa Hong Kong protests tiyak na matindi ang epekto sa pagkilala sa rehiyon bilang Asian financial hub, liban nito posibleng mangyari ang mass exodus ng mga tao at pagkondena ng international community sa kabiguan nang ipinagmamalaking “one country, two systems” policy ng China.
Si US President Donald Trump ay nakisawsaw din sa isyu sa paniniwalang kayang resolbahin ng kanyang counterpart na si Chinese President Xi Jinping ang problema sa Hong Kong.
Nagtanong pa ang lider ng Amerika kung gustong makipagpulong sa kanya si Xi.
“I know President Xi of China very well. He is a great leader who very much has the respect of his people. He is also a good man in a “tough business.” I have ZERO doubt that if President Xi wants to quickly and humanely solve the Hong Kong problem, he can do it. Personal meeting?”
Una nang iginiit ng China sa kanilang statement na kaya raw may 100 mga military vehicles sa soccer stadium sa Shenzhen Bay Sports Center malapit sa border ng Hong Kong ay dahil sa isasagawa ang isang military exercises.
Ang US State Department ay nanawagan sa Beijing na tuparin ang pangakong otonomiya sa Hong Kong.
“The United States is deeply concerned by reports of Chinese paramilitary movement along the Hong Kong border. The United States strongly urges Beijing to adhere to its commitments in the Sino-British Joint Declaration to allow Hong Kong to exercise a high degree of autonomym,” bahagi naman ng pahayag ng US State Department. “We condemn violence and urge all sides to exercise restraint, but remain staunch in our support for freedom of expression and freedom of peaceful assembly in Hong Kong.”