Inalmahan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang pagiging ‘balat sibuyas’ umano ng ilang opisyal ng Local Government Units (LGU) na iniimbestigahan dahil sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa kanilang mga lungsod.
Kung saan, pinayuhan mismo ng kasalukuyang tagapagsalita ng komisyon na si Spokesperson Winston Casio ang mga ito na iwasan ang maging ‘balat sibuyas’ sa kanilang ikinakasang ‘motu proprio’ investigations.
Aniya, pasintabi na lamang sa mga alkalde ng LGU’s kasabay ng paghimok sa kanila na huwag agarang mag-isyu ng statements lalo na kung mabanggit man sila’y kasama sa mga planong imbestigahan.
‘Pasintabi nalang, huwag ho sanang magbalat sibuyas. Motu proprio po itong mga investigation na ito. So huwag masyadong mag-i-issue po ng mga statements yung mga LGU officials kapag sinasabi ng komisyon, ng DOJ or DILG that we conduct motu proprio investigation,’ ani Spokesperson Winston Casio ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Matatandaan na nito lamang mga nakaraan ay sunud-sunod ang isinagawang raid sa mga POGO hubs sa lungsod ng Paranaque at Pasay.
Samantala, iginiit naman ni Spokesperson Winston Casio na hindi saklaw ng komisyon ang imbestigasyon sa mga alkalde at iba pang opisyal sa posibleng koneksyon ng mga ito sa iligal na operasyon ng POGO.
Paliwanag niya, ang Department of the Interior and Local Government na ang bahalang mag-imbestiga hinggil sa isyung ito.
‘That is more the job of the DILG more than the commission at this point. But what we do as a commission, we will provide our reports and evidence of what we saw in relation to the permits,’ dagdag pa ni Spokesperson Winston Casio ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Kaugnay pa rito, binigyang diin naman ng naturang tagapagsalita ng komisyon na pananagutin nila ang lahat ng sangkot sa operasyon ng mga iligal na gawaing ito.
Dagdag niya, kahit Pilipino pa ang mga ito, sila’y ipapaaresto at pananagutin pa rin ng komisyon.
‘Kahit Pilipino ka, pag’ scammer ka, may huli ka,’ bahagi ng pahayag ni Spokesperson Winston Casio ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).