Kung si Vice President Leni Robredo ang tatanungin, nakakahiya umano na ibang mga bansa pa ang humiling ng imbestigasyon ukol sa mga namamatay sa giyera kontra droga ng Duterte administration.
Ayon kay Robredo, mistulang mas nababahala pa raw ang mga banyaga kaysa sa mga Pilipino tungkol sa nasabing isyu.
“Nakakahiya naman yata na iba pa iyong nakapansin, iba pa iyong nagmamalasakit, iba pa iyong nababahala,” wika ni Robredo.
Sinabi pa ng pangalawang pangulo, dahil sa mga patayan ay nakahilera na raw ang Pilipinas sa mga bansang kilala sa mga paglabag sa mga karapatang pantao.
“Noong una kong nabasa iyon, parang nakakapanlumo na nakahilera na tayo—ilang bansa iyong kinall iyong attention doon. Ang mga kahilera na natin…Afghanistan, Sudan, ‘di ba, iyong mga bansa na kilalang-kilala sa mga human rights violations, kahilera na tayo,” ani Robredo.
Dismayado rin daw ang opisyal na ibang bansa pa ang humihirit ng imbestigasyon at hindi ang mga kapwa Pilipino.
“Iyong sa akin lang, iyong ibang bansa nababahala para sa atin. Pero dito sa atin, parang ang nababahala yata kaunting-kaunti lang. Parang business as usual para sa lahat, kahit ang daming patayan na nangyayari, parang wala lang,” dagdag nito.
Bago ito, nanindigan ang Malacañang na panghihimasok sa soberenya ng Pilipinas ang anumang imbestigasyon ng United Nations sa giyera kontra droga ng Duterte administration.
Una rito, nagsumite ng draft resolution ang Iceland sa UNHRC kung saan hinimok nito ang lupon na bumuo ng komprehensibong ulat ukol sa human rights situation sa bansa.