Nagpaliwanag si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa naunang binitiwan nitong salita sa kanyang talumpati sa harap ng mga bagong talagang opisyal ng pamahalaan kanina sa Malacañang.
Sinabi kasi ni Pangulong Duterte sa talumpati na iaalok niya kay Vice President Leni Robredo ang kanyang law enforcement power kaugnay sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga at pwede niya itong gawin sa loob ng anim na buwan.
Sa ambush interview sa Malacañang, binawi ni Pangulong Duterte ang unang pahayag at nilinaw na wala siyang isusukong anumang kapangyarihan kay VP Robredo.
Bagkus ang kanya umano iaalok kay Robredo ay maging “drug czar” sa loob ng anim na buwan kung gusto nito.
Sa katunayan, pwede umano niyang italaga ito ngayong gabi mismo at bukas na bukas din ay pwede na itong magsimula sa kanyang trabaho.
Nag-ugat ito sa naunang pahayag ni VP Robredo na bigo ang anti-drug war ng Duterte administration.