BAGUIO CITY – Tiwala ang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Earth 2020 na malaki ang lamang niya sa ibang mga kandidata sa nasabing international beauty pageant.
Ayon kay Miss Earth Philippines 2020 Roxanne Allison Baeyens, ito ay dahil anak siya ng isang environmentalist.
Sinabi ng Filipina-Belgian beauty queen mula Baguio City na bata pa lamang ito ay naranasan na niyang magtanim at alam na niya ang kanyang mga responsibilidad sa inang kalikasan.
Giit niya, nasa puso at gawain ang pagtataguyod sa mga responsibilidad sa kalikasan.
Nito lamang mga nakaraang buwan ay ginugol ng 23-anyos na dalaga ang kanyang panahon bilang tagapagsalita at poster girl ng Department of Agriculture – Cordillera para sa pagtaguyod ng urban gardening, highland agriculture at re-greening.
Dinagdag pa ng Igorota beauty queen na pinaghahandaan na lamang niya ang question and answer portion at ang kanyang projection sa harap ng camera lalo na at virtual din ang coronation ng Miss Earth 2020 na gaganapin sa November 29.