Bumuwelta si Defense Sec. Delfin Lorenzana sa naging pahayag ni Chinese ambassador Zhao Jianhua na posible umaong akusahan ng Beijing bilang espiya ang mga overseas Filipino workers (OFW) na nasa China.
“That’s the most preposterous statement I heard in a long while,” tugon ni Lorenzana sa pahayag ni Zhao.
Ayon kay Lorenzana, hindi umano maihahambing sa mga Pinoy workers sa China ang Philippine offshore gaming operators (POGO) workers.
“POGO workers came over for a different purpose…likely just tourism, but eventually got visas to work in an activity at the POGO centers operating gambling operations which is prohibited in China,” ani Lorenzana.
“Knowing that Chinese companies are mandated by the Chinese government to assist in intelligence collection for their government, it is not far-fetched that individuals, likewise, could be compelled to do so,” dagdag nito.
Anang kalihim, ang mga OFW sa China ay nagtatrabaho sa iba’t ibang mga bahay at paaralan na malayo sa mga kampo ng militar at pulisya.
Habang sa kaso naman daw ng mga POGO workers sa Pilipinas, malapit aniya ang mga ito sa mga himpilan ng militar at pulis sa bansa.
Giit ni Lorenzana, nakakabahala lang umano ang pagiging potensyal nito na pagkuha ng impormasyon sa mga kampo.
Una nang nagbabala si Lorenzana na posible umanong magamit sa pagmamanman ang mga Philippine offshore gaming operators (POGO) hubs na kadalasang pinapatakbo ng mga Chinese.
Nitong Sabado nang sabihin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nagpadala raw sa kanya ang Chinese envoy ng text message laman ang reaksyon nito sa pahayag ni Lorenzana.
“Nag-text si Ambassador Zhao sa’kin. Sabi niya, ‘Kung kami mag-isip sa overseas workers niyo? Isipin namin na nagspa-spy sa amin?'” ani Panelo.
Ilan sa mga POGO centers sa Kalakhang Maynila ay nasa Araneta Center sa Cubao at Eastwood, na kapwa malapit sa Camp Aguinaldo na siyang punong himpilan ng AFP.
Malapit naman sa Villamor Air Base na headquarters ng Philippine Air Force ang Resorts World Manila.